Kape, Tsokolate, at Agahan

Ayon sa mga dalubhasa, ang agahan ang pinakamahalagang pagkain sa maghapon. Hindi lamang nito itinitigil ang ating pag-aayuno habang natutulog, binibigyan rin tayo nito ng pampasiklab sa umaga.

Lumaki ako na may isang sapilitang agahan tuwing paggising. Hindi ko maaaring laktawan ito para sa anupaman’g bagay. Hindi ako maaaring pumasok sa paaralan nang hindi kumakain ng agahan. Ang aking karaniwang agahan ay isang sinangag na may isang piraso ng pritong karne at itlog, at isang tasa ng mainit na tsokolate.

Almusal Dalawang Beses sa Isang Araw?

Nang mapunta ako sa Bangued, Abra sa kauna-unahang pagkakataon noong 1990, nagulat ako nang makita ko ang aking mga kamag-anak na nag-aagahan nang dalawang beses.

Maaga kaming nagising, mga 4:30 o 5:30 ng umaga. Upang magpainit, kumain kami ng pan de sal at kape. Bandang 6:30 hanggang 7:00 ng umaga, nagtipon-tipon kaming muli sa mesa upang kumain ng kanin. Natatandaan ko, mayroon kaming pagpipilian sa pagitan ng sinangag o bagong saing na kanin, at sa pagitan ng dalawang uri ng ulam (isang karne at isang isda). Ang panghimagas ay kung ano’ng prutas na napapanahon.

Pan de Sal

Ang pan de sal ay isang katagang Espanyol na nangangahulugang tinapay na may asin. Maaari itong kainin nang simple lang lalo na kung mainit-init pa ito. Mas gusto ng iba na isawsaw sa mainit na kape ang kanilang pan de sal. Naging katatawanan o biro na nga ito. Mantakin mo, napakalinis ng mga Pinoy dahil pati ang tinapay ay papaliguan pa sa kape bago kainin.

Ngunit may ilang mga Pilipino na mas gusto na may palaman and kanilang pan de sal. Ang palaman ay maaaring keso, peanut butter, minatamis na bao, mantekilya, piniritong itlog, karne gaya ng corned beef, luncheon meat, hotdog, atbp., sardinas, at iba pang palaman na maisipan.

Natatandaan ko sa aking Nutrition subject noong kolehiyo, ang limang pirasong pan de sal ay katumbas ng isang tasang kanin. Kaya sapat na iyan upang simulan ang inyong umaga. Ngunit para sa akin, OK na ako sa tatlong piraso. Kailangan ko kasing magbawas ng pagkaing puno ng carbohydrates. Kung bakit, sa ibang blog ko na sasabihin iyon.

Mga SiLog Meals

Ayaw ng mga Pilipino sa pag-aaksaya ng pagkain. Mismo ang isang butil ng bigas ay mahalaga. Iyon ang dahilan kung bakit ang kanin mula noong hapunan ay nagiging sinangag kinabukasan.

Ang sinangag ay simple lamang kung ihahambing sa chow fan ng mga Instik. Pinaiinitan muna ang kawali bago lagyan ng mantika at paiinitin muli ito. Kapag mainit na ang mantika, igigisa na ang tinadtad na bawang at ihahalo na ang kanin. Lalagyan ng kaunting asin at paminta na akma sa panlasa. Kadalasang pinapainit ang kawali at ang mantika upang hindi dumikit sa ilalim ang kanin. Ngayon, hindi na kailangang mag-alinlangan kung didikit pa ang kanin sa ilalim o hindi dahil mayroon ng non-stick pan na mabibili.

Noong dekada ’80, gumawa ang mga Pinoy ng salitang portmanteau upang ilarawan ang ilang pagkaing pang-agahan. Nagsimula ito sa salitang tapsilog kung saan ang “tap” ay nangangahulugang tapa, “si” para sa sinangag, at “log” para sa piniritong itlog. Mula noon, nanatili na sa isipan ng mga Pinoy ang katagang ito at nadagdagan pa.

Bukod sa tapsilog, mayroon ding longsilog (longanisa), tocilog (tocino), bangsilog (daing na bangus), at iba pa. Sa katunayan, may mga kainan na maaaring maghatid ng malawak na hanay ng mga silog meals hindi lamang sa agahan, kundi 24/7.

Counterpoint

Ang pagkaing Pilipino ay kilala sa pagkakaroon ng counterpoint sa panlasa. Ito ay ang pagpapares ng dalawang magkaibang panlasa ngunit kapag pinagsama ay nagreresulta ng panibago at kaaya-ayang panlasa. Tulad na lamang ng tamis ng champorado at alat ng tuyo, kapag pinagsama mo… ay, ang sarap! Sa pagkain ng SiLog, may isang elemento na nagbibigay ng ganitong counterpoint: ang atsara.

Ang atsara ay gawa sa ginayat na hilaw na papaya, na sinamahan ng carrot, siling taban, sibuyas, bawang, luya, at pasas, at ibinabad sa sukang tinimplahan ng asukal, asin, at paminta. Ang pinaghalong lasa nito ay maihahalintulad sa pickles. Ito ang naaayong counterpoint sa piniritong karne ng anumang silog.

Kape

Ang isang tasa ng mainit na kape ay bagay sa pan de sal. Ang kapeng Barako ay isang klase ng Liberica, isang uri ng kape. Matatagpuan ito sa mga lalawigan ng Batangas at Cavite sa Timog Luzon at sa mga bundok sa hilaga tulad ng Benguet. Hindi ito isang pangkaraniwang uri ng kape kumpara sa Arabica, Robusta, o Excelsa bagaman masagana ang Liberica dito sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa sa Timog-silangang Asya.

Ang salitang “barako” ay tumutukoy sa ligaw na baboy ramo na mahilig ngumuya ng mga dahon at bunga ng halaman. Tumutukoy rin ito sa matapang na lasa at amoy ng kape. Ang ilan ay umaamin na ang Barako ay mas malasa kaysa sa Robusta. Karamihan sa mga Pilipinong umiinom ng kape ay nagkakagusto sa Barako kaysa Arabica. Ngayon, ang pinaghalong Barako-Arabica at Barako-Excelsa ay nagiging sikat sa mga lokal na cafe.

Binubuhay din ng gobyerno ang industriya ng kape dito sa Pilipinas. Dahil dito, marami na ang nagtatanim at nagbebenta ng mga katutubong uri ng kapeng Barako.

Mainit na tsokolate

Tsokolate ang pagbaybay nito sa Pilipino dahil ang naunang alpabeto ay walang ch. Ang tsokolate ay gawa sa tableang hinulma mula sa pinulbong kakaw. Tinutunaw ito sa kumukulong tubig at titimplahan ng gatas at asukal hanggang sa maging malapot na inumin.

Sa nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere, mayroong isang kabanata kung saan naiiba ang maiinit na tsokolate. Para sa mga mayayamang tao, sila ay pinagsisilbihan ng “tsokolate e” o makapal at mainit na tsokolateng inumin. Ang “e” ay nangangahulugang espeso, isang salitang Espanyol na nangangahulugang makapal o malapot. Ang mahihirap naman ay pinagsisilbihan ng “tsokolate a” na nangangahulugang aguada, isang salitang Espanyol na nangangahulugang puno ng tubig o malabnaw. Tignan mo nga naman, mahigit isang daang taon na ang nakalilipas, malaki pa rin ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap.

Pagwawakas

Karaniwang nakabubusog ang mga pagkaing agahan ng Pilipino. Sa panahon ngayon, wala akong nakikitang kumakain ng agahan nang dalawang beses. Ngunit hindi ako magtataka kung may makita man ako. Isipin natin na ang ating pantunaw ay tumatagal ng dalawang oras. Kaya’t normal lamang ang kumain kada dalawang oras. Hindi nakakagulat kung ganoon, na pagkatapos ng agahan ay naghahangad na tayo ng meryenda bandang 9:30 hanggang 10:00 ng umaga.

Ano ang agahan ninyo kanina? Ako, meatloaf at corned beef sinangag. Walang itlog, walang atsara, pero may mainit na kape.

Published by 1B

Filipino, Gen X, only daughter, freelance writer, author, mother, wife, and a good friend

%d bloggers like this: