Madaling Araw

Nagising ako sa gitna ng madaling araw,
dahil sa isang panaginip na hindi ko na maalala.
At narinig ang tilaok ng manok,
alas tres na daw.
Ang tunog pala ay mula sa cellphone,
alarm ko pala ‘yon.

Ngunit hindi na ako makatulog.
Kaya bumangon na ako.
Tutal madalas naman akong magising ng alas tres
para uminom ng kape at magnilay,
magbasa ng Bibliya at magsulat ng pagninilay-nilay
tulad nito.

Ang ginaw…
palibhasa -ber months na.
Malapit na ang Amihan.
Malapit na ang Pasko.
Siyam na linggo na lamang
tapos na ang 2020.

Ang bilis ng panahon.
Sariwa pa sa alaala ko ang nangyari noong 2019
at ang reunion naming magkakaklase noong Enero.
At dumating ang pandemiyang COVID-19
na lalong nagpabilis ng panahon.

Mula Marso hanggang ngayon,
bihira akong lumabas ng bahay
dahil sa quarantine,
upang makaiwas sa pagkakahawa ng COVID-19.

Parang wala masyadong nagbago sa akin,
dahil hindi naman talaga ako mahilig lumabas ng bahay.
Mas nanaisin ko pang pumirmi dito sa aking mesa
at magsulat,
at manood ng Netflix,
at maglaro ng Diablo II.

Napahinto ako…
napaisip…
Ang haba na pala ng aking isinulat
pero wala man lang akong nasabing
kapupulutan ninyo ng aral.

Mayroon naman, sabi ni Isipan.
At ano naman iyon? Tanong ko naman.
Ang magnilay tuwing umaga
pagkagising…
Sa bagay, may punto siya.
Dahil sa bawat paggising ay isang biyaya;
biyaya ng bagong buhay at bagong pag-asa.

Published by 1B

Filipino, Gen X, only daughter, freelance writer, author, mother, wife, and a good friend

%d bloggers like this: