Halaga ng Kalikhaan

Una kong nakita ito sa post ng isa sa mga dati kong estudyante. Alam kong kinopya niya lamang ito dahil may #CTTO na hashtag sa dulo at iba pang hashtag tungkol sa supporta sa mga freelancers. Makalipas ng ilang araw, nakita ko na naman ang post na ito sa iba pang kaibigan sa Facebook. Naiba nga lang ng kaunti at ibinagay nila sa kani-kanilang propesyon. Siguro mga lima pa ang nakita kong ganito ang tema. Pero ang masaklap, wala tungkol sa manunulat na gaya ko. Kaya naisipan kong gumawa ng aking version.

Customer: Magkano ang magpasulat sa iyo ng isang artikulo?
Ako: Depende… ano’ng gusto mo: per word? per page? per article? o per hour?

Napaisip si Customer.

Customer: Magkano ba kung per word?
Ako: 2.50 per word, minimum, standard na iyan

Customer: So, sa 3,000-word article, lalabas na 7,500. Ang mahal naman.
Ako: Sa tingin mo, magkano ba dapat?
Customer: 1,000 maximum. Magsusulat ka lang naman, ‘di ba?

Natawa ako. Magsusulat lang naman daw.

Ako: O sige, 1,000… pero ikaw ang gagawa.
Customer: Pero hindi nga ako magaling magsulat.
Ako: Sa halagang 1,000, tuturuan kita kung paano gumaling sa pagsusulat, nakatipid ka pa ng 6,500. Para kapag kailangan mo uli ito, ikaw na ang gagawa.
Customer: O sige, payag na ako…
Ako: Pero may mga kailangan tayong “tools of the trade”…
Customer: Ano ‘yon?
Ako: laptop, document writing app, dictionary & thesaurus, mga libro o journal para sa research, plagiarism checker, manuals of style, grammar book, at office supplies. At higit sa lahat: ang malikhaing pag-iisip.
Customer: Mayroon ako noong iba, pero kailangan ko pa bang bilhin lahat ng iyan sa pagsulat lang ng isang artikulo?
Ako: Oo naman. O sige, pahihiramin kita ng aking mga “tools” sa halagang 4,000, makasulat ka lang.
Customer: Sige, salamat.
Ako: Pero pumunta ka dito bukas, mga alas-otso ng umaga, para maturuan na kita.
Customer: Ay, hindi ako pwede bukas. Puwede sa ibang araw na lang?
Ako: Hindi puwede. Bukas ko lang maaaring mapahiram sa iyo ang aking mga kagamitan at may libre akong oras upang maturuan ka. Ang ibang araw ko ay nakalaan na sa aking pagsusulat para sa ibang kliyente.
Customer: So kailangan kong isakripisyo ang ibang bagay para bukas… sige na nga.
Ako: Siya nga pala, muntik ko nang makalimutan, kung nais mong magtrabaho bilang manunulat, kailangan mo rin magbayad ng iba pang mga bagay…
Customer: Tulad ng…?
Ako: BIR, SSS, Philhealth, subscriptions, membership dues, etc.
Customer: Ano? At magkano naman?
Ako: Baka abutin tayo ng halos 3,000.

Napaisip si Customer.

Customer: Napag-isip-isip ko, magbabayad na lang ako sa iyo ng 7,500 para ikaw na ang gumawa. Kasi kung ako, baka hindi maganda ang kalalabasan at baka mapalaki pa ako sa gastos.

Ang aral dito ay kung magbabayad ka sa isang likha na gawa ng ibang tao, isipin mo na ang binabayaran mo ay hindi lamang mga materyales kundi pati na rin ang karunungan, ang karanasan, ang serbisyo, ang oras, ang hirap, ang tamang gawa, ang kaligtasan, at ang pagbayad ng mga obligasyon. Walang sino man ang maaaring magbaba ng halaga ng kalikhaan ng isang tao batay lamang sa presyo. Upang malaman ang halaga ng isang malikhaing gawa, dapat maintindihan ang buong pangangailangan at proseso sa paglikha nito.

Diyan nagtatapos ang kumakalat na post.

Maidagdag ko lang, ang 2.50 per word ay sadyang napakababang halaga pa rin kahit sabihin na “standard” na ito. Ngunit nahihirapan kaming ipaglaban na itaas ang presyo ng mga freelance writers dahil sa maraming mga salik. Hindi pa naipapasa sa Kongreso ang panukalang batas para sa mga freelancers. Marami pa ring mga negosyante na mababa ang turing sa halaga ng panunulat. Marami pa ring mga manunulat ang nakukuntento sa mababang halaga ng isang artikulo upang makapagtrabaho lamang. Sa panahon nga naman ngayon ng pandemiya, masisisi mo ba sila?

Kaya nagsusumamo ako na suportahan ang mga kapwang manunulat na tulad ko at ang iba pang mga kasamahan sa kalikhaan.

Published by 1B

Filipino, Gen X, only daughter, freelance writer, author, mother, wife, and a good friend

%d bloggers like this: