Kambal

Bata pa lamang ako, manghang-mangha ako kapag nakakakita ng kambal. Kasi nga naman, pareho ang kanilang mukha at pananamit. Nakakaaliw silang tignan. Sa sobrang mangha ko, nahiling ko noon na sana ay may kakambal rin ako.

Pero may kasabihan sa Ingles, “Be careful about what you wish for.” Mag-ingat sa ating mga ninanais, baka mabigla tayo at hindi natin kayanin.

Siguro mga apat o limang taong gulang ako noon, natatandaan ko na habang naglalaro sa may gate ng aming bahay sa Cubao, narinig kong pinag-uusapan ng aming kasambahay at ang kasambahay ng kapitbahay tungkol sa pagkakaroon ko daw ng kakambal. Hindi ko pa naiintindihan ito noon kaya binalewala ko lamang. Ngunit nang magkaisip, naalala ko ang insidenteng ito pero hindi ko ito naibahagi sa ibang tao.

Nang ako’y sampung taong gulang, habang pinagmamasdan ang mga nakasabit na diploma na may larawan ng aking mga magulang at iba pang kamag-anak, napaisip ako kung bakit hindi ko man lang kamukha ang aking mga magulang. Palibhasa sila’y singkit at ang aking mga mata ay malaki, mulagat ‘ika nga ng tiyuhin ko. Ang pagtatakang ito ay ikinipkip ko lamang sa aking isipan.

Pero nang ako’y nasa kolehiyo, at dahil sa isang pagtatalo, nalaman ko na ang katotohanan. Isang mabagyong gabi noong 1988, binaha ang loob ng aming bahay. At para hindi tumaas ang tubig, pilit naming nilimas ang tubig gamit pangsalok ang timba at dustpan . Habang naglilimas, ang tiyahin kong balikbayan ay nagsisisigaw at nagrereklamo. Hindi ko na matandaan kung ano ang kanyang inirereklamo o kung bakit, ngunit ang alam ko ay sinumpong na naman ang kanyang sakit. Makailang oras pa, at marahil sa dala na rin ng pagod, nagpantig na ang aking tenga at kinompronta ko siya. Dahil sa komprontasyong iyon, lumabas mula sa kanyang bibig ang katotohanan na ako ay isang ampon.

Hindi man lang ako nabigla o nasurpresa. Bagkus, parang lumuwag ang aking pakiramdam. Ang mga hinala ko noon ay nagkaroon ng kumpirmasyon. At nang dumating ang aking ina para dumalo sa kanilang alumni homecoming sa unang pagkakataon, makalipas ang 18 taong pamamalagi sa Estados Unidos, kinumpirma niya ang kanyang pag-ampon sa akin.

Nagdaan ang ilang taon, unti-unti kong napagtagni-tagni ang kuwento.

Marahil ay ipinanganak ako sa buwan ng Oktubre o Nobyembre 1968 sa isang ospital sa Maynila. May nakapagsabi sa akin ng eksaktong araw ng aking kapanganakan, pero hindi ko na muna isisiwalat ito. Kambal daw kami at makalipas ng ilang araw, iniwanan kami ng aming ina sa nursery at doon kami nagtagal ng anim na buwan. At dahil over-staying na kami sa nursery, balak na daw ng ospital na i-endorse kami sa Hospicio de San Jose, ang kilalang bahay ampunan sa Maynila.

Noong mga panahong ‘yon, nagtatrabaho bilang nurse ang aking Mommy sa ospital kung saan kami isinilang at ang Daddy ko naman ay agriculturist na nakadestino sa Tarlac. Magta-tatlong taon na silang kasal ngunit wala pa rin silang anak. Kaya nang malaman ng aking Mommy na may mga sanggol na ipapadala sa ampunan, nagdesisyon siyang ampunin ako. Hindi ko alam kung bakit hindi pa niya inampon ‘yung kakambal ko, e ‘di sana’y magkasama kami ngayon. Ayon sa aking birth certificate, ipinanganak ako noong ika-16 ng Abril 1969 sa aming bahay sa Cubao. Marahil iyon ang araw ng aking pagkaka-ampon. Iyon na rin marahil ang araw na nawalay ako sa aking kakambal.

Samantala, makalipas ng ilang mga araw, bumalik daw sa ospital ang mga magulang ng aking tunay na ina upang kunin sana kami sa nursery. Kaso, wala na ako doon. Kaya ang aking kakambal ay lumaki sa pamilya ng tunay kong mga kamag-anak at ako ang nawalay.

Mahigit limang dekada na ang nakalipas, hindi pa rin kami pinagtatagpo ng tadhana. Marahil, hindi kami itinakdang magkita pang muli. Pero sa kabilang banda, malay natin, magkita kami ng kakambal ko. Sa tuwing nakakapanood o nakakabasa ako ng balita tungkol sa mga kambal na nawalay mula pagkasilang, namamangha ako at umaasa.

Bakit ko nga ba isinulat ito dito? Wala lang, mema lang. Wala lang, may maikuwento lang.

Pero, seryoso, marahil ay nasa isip niyo ang aking tunay na ina. Nagtataka kayo siguro kung bakit niya kami iniwan sa nursery ng ganoon katagal. Ang nasa isip ko, siguro bata pa siya noon, iniwan ng boyfriend, takot sa mga magulang. Noong panahon na iyon, ito ay isang kahihiyan — sa sarili at sa pamilya. Mabuti na lang at hindi niya naisip na kami’y ipalaglag. Lalo siyang magkakasala kapag ginawa niya ‘yon. At dahil doon, nagpapasalamat ako.

Ito ako ngayon, nakapag-aral, malayang nakakapagpahayag, may masayang pamilya at kuntento sa takbo ng buhay.

Hindi ko alam kung may mapupulot kayong aral sa kuwento kong ito. Kung sakaling wala, mangyari lamang na tulungan ninyo akong makita ang kakambal ko. Lubos na umaasa,…

Ay, hindi po ito episode ng MMK!

Published by 1B

Filipino, Gen X, only daughter, freelance writer, author, mother, wife, and a good friend

%d bloggers like this: