Pelikula

Natatandaan mo pa ba ang kauna-unahang pelikula na napanood mo sa sinehan?

Anim na taong gulang ako noon nang isinama ako upang manood ng sine. Excited ako kasi makakapanood ako ng sine sa loob ng sinehan sa unang pagkakataon. Hindi ko na alam kung saang sinehan ‘yon pero alam kong isa ‘yon sa mga sinehan sa Cubao sa may Aurora Boulevard. Natatandaan ko ‘yung kadiliman sa pagpasok ng sinehan. Maaaninag mo lang ang mga upuan at ang mga taong nakaupo at nanonood. Nang makita ko ang screen, ang laki; nakamamangha para sa anim na taong gulang na tulad ko. Pati ang tunog, bumabalot sa loob ng sinehan.

Iyon ang mga araw na maaari kang pumasok at lumabas ng sinehan sa kalagitnaan ng isang pelikula. Kaya kapag hindi mo nasimulan, maaari ka pang maupo hanggang magsimula uli at ulitin ang panonood. ‘Yung iba nga ay doon na sa loob ng sinehan nagpapalamig o natutulog.

Ang una kong pelikula ay ang Meron Akong Nakita (1975) ni Dolphy at Lotis Key, kasama ang isang batang babae na nagngangalang Princess. At dahil pelikulang Dolphy, comedy ito na may kaunting kurot ng drama dahil sa batang tauhan. Ang natatandaan ko na lamang ay ang kanta ni Princess: “Meron akong nakita, hindi ko sasabihin, kung ako’y pilitin, sasabihin ko rin...”

Mula noon ay manghang-mangha na ako sa mundo ng pelikula. Ang sinehan ay isang mundo kung saan maaari kang mawala ng panandalian at kalimutan ang realidad ng buhay sa labas.

Ngunit hindi ako madalas manood ng sine. Karamihan pa ng napanood ko noon ay mula sa telebisyon, mga naitanghal sa mga programang Piling-Piling Pelikula o Million Dollar Movies. Bata pa lamang ako, may pagka-binge-watcher na ako.

Ang natatandaan kong unang binge-watching ng pelikula ay noong 1980 Metro Manila Film Festival. Natandaan kong pinanood namin Ang Panday ni Fernando Poe, Jr. at Tembong ni Nino Mulach sa isang maghapon. Sa mura kong edad, mukhang sanay na akong manood ng mahigit sa isang pelikula sa isang araw. Lalo na noong 1982 Metro Manila Film Festival, akalain ninyo, pinagsunud-sunod namin ang Himala, Ang Panday…Ikatlong Yugto at Santa Claus is Coming to Town. Sumakit na ang ulo ng aking pinsan pero ako hindi. Kung hindi nga lamang sa aking edad, baka napanood pa namin ang Haplos ni Rio Locsin.

Noong huling bahagi ng dekada ’70 hanggang kalagitnaan ng dekada ’80, nauso ang pagsasadula sa telebisyon ng mga kilalang nobela tulad ng Nancy Drew, Hardy Boys, Rage of Angels, Thornbirds, Lace, at iba pa. Kaya napadalas rin ang pagbabasa ko ng mga nobela hanggang sa dumating na ako sa punto na pareho ko nang gusto ang pagbabasa ng nobela at panonood ng pelikula.

Ngunit iyon din ang panahon na mas ninais ko pang manuod ng pelikula sa Betamax (na naging VHS, at naglaon, nagingDVD) kaysa sinehan. Isipin ninyo nga naman kung gaano kaginhawa ang pag-pause at pag-rewind kung kinakailangan. At iyon talaga ang dahilan kung bakit hanggang ngayon mas nanaisin ko pang manood ng pelikula sa Netflix.

Kaya ngayon, sa pagtatanghal ng Pista ng Pelikulang Pilipino na pinangungunahan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), makakapanood ako ng mga pelikula online. Salamat sa Freelance Writers Guild of the Philippines sa pagbigay sa akin ng premium pass. Nailista ko na ang mga pelikulang panonoorin ko hanggang sa ika-13 ng Disyembre. Abangan ninyo ang aking personal na kuro-kuro ukol sa mga pelikulang napanood ko sa aking blog na Star Stack.

Kung tutuusin, mas nauna akong nagsulat ng script na pampelikula kaysa nobela. Naalala ko pa ang aking pag-audition para makasali sa libreng scriptwriting workshop ni Ricky Lee. Naalala ko rin ang aking pagsali sa scriptwriting workshop ni Nestor Torre sa Film Development Foundation of the Philippines (FDFPI). Matapos ang workshop, nagbigay ng mga mungkahi si G. Torre sa aking isinulat na script. Sinunod ko naman at makalipas ng ilang buwan, naging finalist ako sa 2000 FDFPI Scriptwriting Contest. Iyon ang naging daan ko papasok sa industriya ng pelikula at sa Star Cinema.

At dito na nagsimula ang paglalakbay ko bilang isang manunulat.

Published by 1B

Filipino, Gen X, only daughter, freelance writer, author, wife, mother, and a good friend.

%d bloggers like this: