Asawa

Kamakailan, ipinagdiwang namin ang aming ikalabing-pitong anibersaryo ng aming kasal. Malapit na kaming magdalawang dekada na nagsasama.

Pareho kaming mag-asawa na nagtatrabaho sa bahay. Ang pagkakaiba nga lamang, siya ay panggabi at ako naman ay sa umaga. Kaya kapag may pagkakataon, magkasama kami sa paglalakad bilang ehersisyo o papunta sa tricycle terminal.

Minsan, habang naglalakad, inakbayan niya ako at sinabing kami ay isang himala. Napaisip ako ng ilang sandali at nagtanong kung bakit.

“Siguro, sa ibang normal na mundo, marahil ay hindi tayo ikinasal,” ani niya.

Inisip ko ang pahayag na iyon. Napagtanto ko na tama siya. May mga kadahilanan kung bakit hindi uubra ang aming pagsasama ngunit sa kabila ng lahat, kami pa rin ay nagsasama hanggang ngayon.

Hindi Siya ang Tipo Kong Lalaki

Noong ako ay nasa high school, ang tipo kong lalaki ay nakasalamin, maputi, matangkad, at Chinito. Karamihan kasi ng mga Chinito ay mapuputi, magandang tingnan sa kanilang maayos at malinis na pananamit. At ‘yung salamin sa mata ay parang nagpapahiwatig na sila’y matalino.

Si Voltaire ay nakasalamin pero hindi siya Chinito at hindi rin maputi. Ngunit hindi porke’t hindi siya ang tipo kong lalaki, hindi nangangahulugang hindi siya kaakit-akit. Hindi man siya ang pinakaguwapo sa balat ng lupa, siya naman ang aking pinakamabuting kaibigan.

Paano Kami Nagkakilala

Taong 2000 kami nagkakilala ni Voltaire. Nasa Star Cinema ako nagtatrabaho noon bilang isang researcher at concept developer sa Creative Department. Siya naman ay naghahanap noon ng trabaho. Kaya binigyan ko siya ng “raket”. Siya ang inatasan kong magsalin sa papel ng aking mga panayam. Pumayag naman siya at naglaon sinabi niya sa akin na ang mga ibinayad ko sa kanya ay nakatulong sa kanyang paghahanap ng trabaho.

Mula noon ay naging magkaibigan na kami, kapwa nagtutulungan kapag may nangangailangan ang isa sa amin. At napatunayan ko ito noong 2002. May isang “malagim” na pangyayari sa aking buhay at kailangan kong lumayo. Si Voltaire ang naisip kong tawagan at humingi ako sa kanya ng tulong. Hindi naman niya ako binigo.

Isang araw, nakatira na ako sa isang boarding house sa Maynila, dinalaw ako ni Voltaire. Dumating siya ng alas diyes ng umaga, at nagkuwentuhan na kami hanggang alas sais ng gabi. Noon pa man kung mag-usap kami sa telepono or kahit harapan, kaya naming mag-usap ng matagalan. Tila hindi kami nauubusan ng paksa na maaaring pag-usapan. Alam ng mga tao sa aking paligid na magkaibigan lang kami. Ang tawag pa nga ni Voltaire sa akin noon ay “Ate” dahil limang taon ang tanda ko sa kanya.

Kung Paano Naging Kami

Pero dumating ang araw na nalilito na ako sa aking nararamdaman tungo kay Voltaire. Kaya sinubukan kong libangin ang aking sarili sa pamamagitan ng pagbabasa ng nobela. Ang binabasa ko noon ay ang nobelang “The Choice”, kwento ng isang orthopedic surgeon na ang anak ay may bone cancer. Nakakaiyak ang nobela.

Kinagabihan, nagdasal ako sa Panginoon at humingi ng mga palatandaan. Itinanong ko sa Kanya kung tama ba ang nararamdaman ko. Nakabukas ang radyo ng aking kasama sa kuwarto noong gabing ‘yon. Patulog na ako nang marinig ko ang “I Finally Found Someone” nina Barbra Streisand at Bryan Adams, “I Honestly Love You” ni Olivia Newton-John, at “Destiny” nina Jordan Hill at Billy Porter. Lalo akong napaiyak.

Kaya kinaumagahan, namamagta ang mga mata ko. Dumalaw si Voltaire at napansin niya ito. Kaya niyaya niya akong kumain sa labas at makipagkuwentuhan. Dinala niya ako sa isang lugar kung saan kami maaaring mag-usap ng sarilinan. At doon ko na sinabi ang buong kwento at sinabi ko sa kanya na naroon na ako sa punto ng manipis na pagitan sa pagiging magkaibigan at pagiging magkasintahan.

At iyon din pala ang matagal niyang iniisip at gustong sabihin sa akin noong araw na humingi ako sa kanya ng tulong. Hindi nga lang niya nagawa iyon dahil naisip niya na baka isipin kong sinasamantala niya ang aking kalagayan.

Wala Kaming Maraming Pagkakapareho

Akala ko marami kaming pagkakapareho — parehong hilig sa pagususlat at pagbabasa, mga adhikain sa buhay, atbp. Pero unti-unti ko nang nakikita na magkaiba pala kami ng mga interes at hilig. Nakikita ninyo marahail ang mga mag-asawang sabay na gumagawa ng gawain. Hindi kami ganoon.

Mahilig siya sa anime, pakikipagbuno (wrestling), at fan fiction. Ako naman ay mahilig sa kathang krimen, mga gawaing-kamay (handicrafts) at sining. Samakatuwid, kanya-kanya kami ng gawain at babalik lamang sa bawat isa para sa isang halik o pakikpagkuwentuhan.

Burara Siya Pero Ako Hindi

Bilang babae, at bilang isang nars at medical technologist, gusto ko ng kalinisan at kaayusan. Siya hindi. Okay lang sa kanya ang karumihan at kaguluhan. Nakakapagtakang nakakakita siya ng “kaayusan” sa kaguluhang iyon. Ngayon alam niyo na kung ano ang madalas naming pag-awayan.

Hilig Kong Magluto Pero…

Mahilig ako sa pasta at pancit. Pareho kaming ayaw ng taba. Pero kumakain ako ng gulay at prutas, siya hindi. Ang gulay at prutas na kinakain niya ay saging at patatas lamang. At ang malala pa nito, allergic siya sa bawang at sibuyas.

Nagbabasa Siya Kahit Kumakain

Mahilig kaming magbasa. Nagbabasa ako kung may panahon pa akong magbasa. Pero siya, laging nagbabasa — kahit kumakain o kung nasa palikuran… alam n’yo na.

Magkaiba Kami ng Gustong Panoorin

Bihira kaming manood ng TV o ng pelikula na magkasama. At kung mangyari man iyon, pareho naming gusto ang palabas. At napagtanto ko na comedy lang ang genre na pareho naming gusto.

Hindi Ako Marunong Magbisikleta

Mahilig siyang magbisikleta. Kapag bibigyan ng pagkakataon, magbibisikleta siya papunta sa mga malayong lugar. Ang hilig ko naman ay badminton at chess. Nagsisimula na rin akong matuto ng arnis.

Ayaw Kong Minamadali Ako sa Pamimili

Mas nanaisin kong mamili sa grocery na mag-isa dahil may oras akong pumili ng bibilhin. Kapag kasama ko siya, parati kaming nagmamadali kaya madalas may nakakalimutan akong bilhin.

Pero Nagtagal Kami ng 17 Taon

Nagtagal kami dahil nangako kami sa isa’t isa na magsasama kami sa hirap at ginhawa, sa karamdaman at kalusugan. Kahit sa mga araw na hindi ko matiis ang magulo at maruming silid. Kahit sa mga araw na nakaharap kami sa aming mga computer pero magkaiba ng silid. Kahit gumagastos ako ng mahigit sa dalawang libong piso sa grocery. At kahit hindi ko na alam kung ano ang ihahandang pagkain.

Happy wedding anniversary, Volts!

Published by 1B

Filipino, Gen X, only daughter, freelance writer, author, wife, mother, and a good friend.

One thought on “Asawa

Sarado na ang mga puna.

%d bloggers like this: