Tindahan

Pandemiya. Maraming nawalan ng trabaho at negosyo dahil karamihan ay napilitang pumirmi ng kani-kanilang tahanan. Kahit ang mga nagtatrabaho sa kani-kanilang bahay o mas kilala sa tawag na “work from home” ay naapektuhan din. Kaya naman naglipana ang kani-kaniyang negosyo online. May nagtitinda ng iba’t ibang klase ng pagkain; ang iba naman ay mga kasuotan; ang iba naman ay mga kagamitan. Pero kung kailan naman pandemiya, iba ang naisip ng aming pamilya: ang tindahan or mas kilala sa bansag na “sari-sari store”.

Ang inuupahang bahay ng kasintahan ng aking bayaw ay may tindahan. Kaya naisipan ng aking bayaw na gamitin ito upang hindi naman masayang. Umutang ang aking biyenan ng limang libong piso pandagdag puhunan. Pumayag naman ako dahil alam kong magandang negosyo ito kapag naglaon.

Bagong Opisina

Nobyembre 2020 nang lumipat ako sa bago kong “opisina”. Iniwan ko ang aking mesa sa aming silid, bitbit ang aking laptop at nagsimulang magtrabaho bilang freelance writer habang tumatao sa aming tindahan na pinangalanan naming “Lola Seng store”. Ang tindahan ay para sa aking biyenan kaya nararapat lamang na ipangalan sa kanya ito.

Noong simula ay siya ang tumatao mula alas siyete ng umaga hanggang alas otso ng gabi. Ngunit hindi naman niya magawang magluto o maglaba kaya minabuti niyang atasan ako na tumao sa tindahan. Parang multi-tasking; napagsasabay kong magsulat at asikasuhin ang mamimili. Okay lang sa akin.

Noong una, sabay pa kami ni Mama na pumunta ng tindahan bandang alas sais y medya ng umaga upang buksan ito. At kapag wala nang gagawin si Mama sa tindahan, uuwi na ito sa amin (sa kabilang kalye lang naman). Ako na ang tatao sa tindahan hanggang gabi. Babalik lang si Mama mga alas siyete ng gabi at sabay na naming isasara ang tindahan ng alas otso. Noon, ang bayaw ko ang tumatao sa tindahan kapag umaalis ako upang kumain ng pananghalian. Pero ngayon, may paskil na ako na nagsasabing ako ay naka-break.

Habang tumatagal, marami na rin akong napagtanto.

Pulso ng Masa, Presyo, atbp.

Masuwerte kami at nabiyayaan kami ng “prankisa” ng isang brand ng ice cream na nagkakahalaga ng humigit-kumulang na limang libong piso. Kami lamang sa aming lugar ang nagtitinda nito. At mabenta naman na pampawi ng init ng panahon.

Dahil sa aming tindahan, nalaman ko rin ang iba’t-ibang pangangailangan ng masa. Noong nagsimula kami, kung ano lang ang mabibili ng limang libong piso ay binili namin dahil iyon ang inakala naming mabebenta. Nang maglaon, iba’t-iba ang hinahanap ng mga mamimili na wala naman sa aming tindahan. Kaya inilista namin ito at kapag oras na upang mamili sa grocery, binibili na namin. At nagsimula kaming tumutok sa mga pangangailangan ng aming mga mamimili. Dito ko napahalagahan ang tuntunin sa pangangalakal: alamin mo ang nais ng iyong mga tagapagtangkilik.

Dahil sa aming tindahan, nakakasalamuha ko ang aking mga kapitbahay na hindi ko kakilala. Noong sa bahay pa ako nagtatrabaho, hindi naman ako madalas lumabas ng bahay upang makipaghalubilo. Pero ngayon, ang mga mamimili ay nakikilala ko nang unti-unti. Hindi ko man alam ang kanilang pangalan, namumukhaan ko naman sila bilang kapitbahay.

Hindi lang mga kapitbahay ang aming mamimili. Dahil sa lokasiyon ng aming tindahan, may mga motorista na sadyang humihinto para bumili ng sigarilyo, pagkain, o inumin.

Dahil sa aming tindahan, nakakasalamuha ko rin ang iba’t-ibang ahente. Ahente ng sigarilyo, ahente ng mga produkto; ahente ng softdrinks; at marami pang iba. Sa bagay, mas mura ang kanilang produkto kaysa sa supermarket. Hindi pa ako mapapagod sa biyahe at nakatipid pa ako sa pamasahe.

Kaya marami na rin kaming suki dahil sa aming presyo. Nagdesisyon si Mama na tumubo lamang mula piso hanggang dalawang piso sa bawat produkto. Para sa kanya, maraming tao ang naghihirap dahil sa kasalukuyang pandemiya at makakatulong na ang murang halaga ng bilihin. Kung sa bagay, ang aming tindahan ay hindi ang aming pangunahing pinagkakakitaan.

Ang Mga Mapagsamantala

Nabanggit ko kanina na may mga motorista na sadyang humihinto upang bumili sa aming tindahan. Isang araw, habang ako ay nagdidilig ng mga halaman, may isang lalaki na bumibili. Nagtatanong siya kung mayroon ba kaming C2, isang brand ng bottled iced tea. Sinabi kong wala at itinuro ko ang kabilang tindahan na alam kong nagtitinda nito. Napansin ko na may kasama siyang isa pang lalaki na nakasakay sa motorsiklo. Sinabi ng lalaking na nasa motorsiklo na bumili na lamang ng softdrinks at isang kaha ng sigarilyo. Kaya pinagsilbihan ko sila ng dalawang bote ng softdrinks at isang kaha ng sigarilyo. Inabot ng lalaki ang isang libong piso kaya sinuklian ko naman ito. Pero nang makaalis na ang mga lalaki, napansin ko na kakaiba ang isang libo na natanggap ko. Mukhang napeke ako. At iyon din ang kauna-unahang pagkakataon na nakahawak ako ng pekeng pera. Nanlumo ako noong una.

Mula noon ay maingat na ako sa paghawak ng perang papel lalo na sa mga nagbabayad at nagpapapalit ng isang libo, limang daan, dalawang daan, at kahit isang daang piso.

At hindi lamang sa perang papel ako nag-iingat. Pati na rin sa pagtanggap ng barya. Minsan, isang bata ang bumibili ng kendi pero ang dala niyang pera ay commemorative coin na hindi naman nagagamit bilang pambayad. Isa namang lalaki ang bumili ng sigarilyo at napansin ko na ang isang barya na inakala niyang piso ay token pala sa isang amusement center. Kung hindi ko napansin agad ang mga ito, patuloy akong mapepeke ng mga mapagsamantala.

Listahan ng Utang

Marahil, lahat ng sari-sari store dito sa Pilipinas ay nagpapautang. Hindi kami naiiba. May mga suki kaming madalas umutang dahil alam namin na nangangailangan sila at nagbabayad naman. Pero may mangilan-ilan na matapos umutang ay hindi na magbabayad. Sa ibang tindahan na sila pumupunta upang makaiwas sa aming paniningil. Kahit maliit lang na halaga ang inutang, utang pa rin ito na kanilang responsibilidad at dapat bayaran.

Umiikot na Pera

Mula Oktubre 2020 hanggang ngayon, umiikot lang ang aming puhunan na sampung libong piso. Kung ano lang ang naubos o nagkulang, iyon lang ang aming bibilhin upang punuan ito. Kung may bagong bibilhin, dito rin kukunin ang pambayad. At kami rin na miyembro ng pamilya ay sa tindahan bumibili ng aming pangangailangan. Kung uutangin man, binabayaran din namin. Kaya nagdesisyon na rin ako na mag-stock sa aming tindahan ng mga kadalasang ginagamit sa bahay. Kung mabenta, mabuti. Kung hindi naman, may paglalaanan pa naman ito.

Isa pa sa natutunan ko ay ang maglaan ng kaunting halaga, kahit bente pesos lang kada araw, bilang ipon. Ang ipon na ito ay inilalaan para i-deposito sa bangko balang araw. Ngunit nitong nakaraang buwan, naisip namin na bumili ng mas malaking cooler para magkasya ang malalaking bote ng softdrinks.

Sa ngayon, wala pa kaming naisip na paglalaanan ng naipon. At patuloy pa rin ang pag-iipon.

Published by 1B

Filipino, Gen X, only daughter, freelance writer, author, wife, mother, and a good friend.

2 na mga thought (isipan) sa “Tindahan

Sarado na ang mga puna.

%d bloggers like this: