Kamatayan

Ano ang isasagot mo kapag tinanong ka, “Takot ka bang mamatay?”

Dalawang sagot lang naman ang iyong pagpipilian: oo o hindi.

May mga pagkakataon na sinabi ko sa sarili ko na hindi ako takot mamatay dahil handa na ako sa kahit anumang mangyari. Nagkaroon ako ng ganitong pananaw nang matutunan ko ang kapayapaan sa sarili at pag-iisip.

Pero nag-iba ito nang magkaroon ako ng anak. Sanggol pa lang ang anak ko noon at nang may nagbabala sa akin ng kamatayan, naisip ko na hindi ko pala kayang iwanan ang aking anak na ulila.

Ang Panaginip

Pero bago ko ituloy ang aking kwento, nais kong ibahagi sa inyo ang aking kakaibang panaginip. Napanaginipan ko ito mga taong 2000, nagtatrabaho pa ako sa Star Cinema noon.

Sa aking panaginip, suot ko ang aking paboritong light tan na Chinese-style long sleeve blouse at pantalon. Nakita ko ang isang kotseng itim na nasa ilalim ng isang malaking container van truck. Nakita ko ang aking kumare at sinalubong niya ako at sabay naming tinignan ang itim na kotse. Ang itim na kotse ay parang sumadsad sa ilalim ng trak at naipit. Pakiramdam ko ay pagmamay-ari ko ang kotseng iyon. Wala akong matandaan na pinag-usapan namin. Parang silent movie lang ang panaginip na ito.

Nang magising ako, naisip ko na maaari akong mamatay sa isang aksidente na may kinalaman sa sasakyan. Mula noon ay tinandaan ko ito at nagsimulang mag-ingat kapag lumalabas ng bahay.

Pananaw sa Kamatayan Noong Kabataan

Ang mga nauna kong karanasan tungkol sa kamatayan ay noong ako ay mga anim o pitong taong gulang. Kapag may namatayan sa kapitbahay at doon sa kanilang bahay ang lamay, pilit kong iniiwasan na dumaan sa harap ng bahay na iyon. Letrang H ang hugis ng Rochester at Princeton streets sa Cubao na aming tirahan noon. Kaya madali lang sa akin ang kusang umikot palabas ng 15th avenue upang makaiwas sa mga bahay ng mga namatayan.

July 1976, nagising ako nang malaman kong namatay ang aking lolo sa ospital. Pitong taong gulang ako noon. Ang akala ko ay dinala ng aking mga pinsan ang aking lolo sa bahay kaya umiyak ako sa takot at ayaw kong lumabas ng aking silid.

Natatawa na lang ako ngayon kapag naaalala ko ito.

Ang Unang Nasaksihang Kamatayan

Pero ambisyon kong maging isang doktor, naisip kong dapat ihanda ang aking sarili sa ganitong bagay. Nang maglaon, nakatapos ako ng kursong Medical Technology at Nursing.

Third year na ako sa Nursing nang masaksihan ko ang kamatayan ang aking tiyuhin. Nasa ospital kami at binabantayan namin siya. Bandang hatinggabi, biglang bumangon ang aking tiyuhin, nagsisigaw ng “Aguray!” (Hintay! sa Ilocano), at nagpupumilit na pumunta ng CR. Pinigilan ko siya at in-orient ko siya na nasa loob siya ng ospital, naka-dextrose, at hindi siya maaaring pumunta ng CR. Nang mahimasmasan ang aking tiyuhin, tinanong ko kung bakit siya biglang bumangon.

Ayon sa kanya, may pumasok na dalawang lalaki, matangkad at malaking katawan. Ang isa ay nakaputi ang isa naman ay naka-itim. Parehong pumasok daw sa CR na nasa kanang bahagi ng kwarto. Matapos iyon, natulog na siyang muli. Kami naman ng kasama ko ay nagdasal muna ng rosaryo bago bumalik sa pagkakatulog. Sa puntong ito, hindi ko na matandaan kung tumawag ba ako ng tulong sa nurse’s station. Hindi yata.

Alas dos ng madaling araw, nangyari na naman ito. Ngunit sa puntong ito mas malakas ang kanyang sigaw at talagang pilit niyang pumiglas. Pinipigilan namin siya at pilit kong ino-orient siya na nasa ospital kami at naka-dextrose siya. Pero malakas pa rin ang sigaw niya ng “Aguray!” hanggang sa makita kong tumirik ang kanyang mga mata. Kaya agad kong pinindot ang emergency call para humingi ng tulong. Nagdatingan ang mga nars at doktor, at nagsagawa na sila ng CPR at defibrillation. Makalipas ng ilang minuto sinabihan na ako ng doktor na hindi na nagre-respond sa adrenaline ang aking tiyuhin at malapit na siyang pumanaw. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na makasaksi ng pagkamatay ng isang tao.

Ang Natutunan Ko Naman sa Aking Ama

2017 nang magbalik akong manirahan sa probinsiya dahil kailangan kong alagaan ang aking ama na noo’y 90 anyos na. Pero magmula nang magka-pneumonia siya noong 2018, biglang bumaba ang kanyang kalusugan. Hindi na siya gaanong lumalabas ng bahay, mas nanaisin niya pang humiga upang magpahinga matapos kumain at magbasa ng diyaryo. At dahil sa kanyang biglang pagkakaupo sa sahig na naging sanhi ng kanyang pilay sa likuran noong Pebrero 2019, ito na ang naging mitsa ng kanyang buhay. Hindi na siya makabangon at labas-pasok na kami sa ospital hanggang sa nagka-bedsore na siya .

Sabado ng gabi, isang linggo matapos kaming lumabas ng ospital, wala na ang tagapag-alaga ni Daddy at ang katulong at ako na lang ang mag-isa na nagbabantay kay Daddy. Mga 7:30 na ng gabi, inaantok na ako. Sinabihan ko si Daddy na iidlip lang ako at kung may kailangan siya, gisingin niya ako.

Nang magising ako ng 9:00 ng gabi, wala na ang Daddy. Sabi nila, tinakasan niya ako. Siguro dahil ayaw niyang makita ko siyang mamatay tulad ng pagkasaksi ko sa kamatayan ng aking tiyuhin.

Pero ang ipinasasalamat ko (at ito rin ang aking natutunan) ay ang pag-iipon ng pera para sa mga gastusin hinggil sa kamatayan. Ang mahal kaya ng gastusin sa punerarya at libing. Mabuti na lamang at may perang naipon ang aking ama. Iyon ang nagsilbing perang panggastos namin.

Karamdamang Nakamamatay

Ngunit iba rin siguro ang kaso kapag mayroong kang karamdamang nakamamatay tulad ng cancer.

Nitong mga nakaraang taon, may mga kakilala akong nagkaroon ng breast cancer. Nai-kuwento nila ang kanilang mga karanasan at humanga ako sa kanilang katapangan at determinasyong mabuhay. Dalawa sa kanila ang gumaling dahil sa chemotherapy. Ngunit ang isa ay sumuko na rin.

Nagkataon pang may COVID-19 pandemic. Hindi lahat ng tao ay maaaring pumunta ng ospital para magpagamot dahil mas inuuna ang mga may COVID-19. Ang nakakalungkot sa may COVID, maiiwan ka sa ospital at maaaring mamatay kang mag-isa, malayo sa mga kamag-anak.

Kaya ninanis na lang ng cancer patient na ito na manatili na lang sa bahay hanggang mamatay. Ninais niyang tiisin ang sakit sa piling ng kanyang mga mahal sa buhay. Nakakalungkot isiping sumuko na siya sa kanyang laban.

Ang Aking Natutunan

Sa panahon ngayon na may social media, madalas akong makakita ng kamatayan ng ibang tao — aksidenteng nakunan sa CCTV, barilan na huling-huli sa video, at iba pa. Nakakaawa, nakakalungkot.

Kaya lagi kong panalangin na magpasalamat sa Diyos sa bawat paggising sa umaga. Ngunit hindi natin alam kung kailan naman Niya tayo kukunin. Hiram natin sa Diyos ang ating buhay kaya sa isang iglap ay maaaring mawala ito ng hindi natin mapaghahandaan. Kaya naman kapag nagsasalita tungkol sa mga plano na mangyayari pa lamang sa hinaharap, lagi kong sasabihin, “Kung pahihintulutan ng Diyos,…” Dahil Siya lamang ang nakakaalam.

Published by 1B

Filipino, Gen X, only daughter, freelance writer, author, wife, mother, and a good friend.

%d bloggers like this: