Panaginip

Bago ako nagising ng alas kuwatro ng umaga, alam kong may mga napanaginipan ako. Pero ngayon na gising na ako, hindi ko na ito maalala. Ito naman ang kadalasang nangyayari. Mas maraming panaginip ang nakalimutan na ngunit iilan lamang ang natatandaan o tumatak sa isipan.

Ano nga ba ang mga napanaginipan ko kanina?

Iisa na lang ang natatandaan ko. Nasa itaas raw ako ng hagdanan at nasa ibaba naman ang taong malapit sa akin na namayapa na noong 2016. Hindi ko alam kung ano ang sanhi ng hindi naming pagkakaunawaan pero ang natatandaan ko ay hinahamon ko daw siya ng away.

Ang kakaiba ay ang taong ito ay malapit at napamahal na kami sa isa’t-isa. Siya ang nag-alaga sa akin mula noong ako’y Grade 6 pa lamang. Natatandaan ko noong aking kabataan, madalas kaming magtalo dahil sa sobra siyang estrikto at palaban naman ako. Pero nang ako’y nag-asawa na, hindi na kami nagtatalo, bagkus kinakampihan pa niya ako laban sa mga kamag-anak.

Diyaryong Imbestigador

Taong 2000-2001, may nabili akong libro tungkol sa paglinang ng salagimsim. Nabasa ko na maaari palang matutunan ng karaniwang tao ang pagbigay kahulugan ng mga panaginip. Mula noon, kapag ako ay nananaginip, ginagawa ko ito upang malaman ang kahulugan ng panaginip.

Taong 2003, naisip kong sulatan ang mga tabloid para magpukol ng ideya o magpanukala ng isang pitak sa kanilang pahayagan. Sa tatlong pahayagang sinulatan ko, ang tumugon ay ang Diyaryong Imbestigador. Ang kanilang punong patnugot ang sumulat sa akin. Inimbitahan niya ako sa kanyang opisina.

Kaya bumiyahe ako mula Moncada, Tarlac hanggang Quezon City para sa pagkikitang ito. Ayon sa punong-patnugot, nagustuhan nila ang aking ibinigay na muwestra at maaari na akong magsimulang magbigay ng dalawang artikulo kada araw. Isang taon din ako nagsulat sa nasabing pahayagan.

Wala na ang Diyaryong Imbestigador ngayon. Sa pagkakaalam ko, nagsara ito matapos matalo sa eleksiyon ang isang kilalang senador na tumakbo bilang pangulo noong 2004 na halalan.

Panaginip at Kahulugan

Ayon sa Bibliya, sa Job 33:15: “Sa gabi kapag ang mga tao ay natutulog, ang Diyos ay nagsasalita sa mga panaginip at pangitain.” At naniniwala ako dito.

Hindi ko man maintindihan ang kahulugan nito, natuto naman akong pagkatiwalaan ang aking salagimsim para maunawaan ko ang ipinapahayag ng panaginip.

Ayon sa aking nabasa, mainam na isulat ang panaginip sa papel at gumawa ng mapa ng kamalayan.

Sa isang papel, isinulat ko ang bawat detalye ng aking panaginip. Nilagyan ko ng puwang ang bawat detalye para sa susunod na hakbang. Sa bawat detalye, gumuhit ako ng isang linya at isinulat ang naisip kong kahulugan nito. Lahat ng maisip kong kahulugan ay ganito hanggang sa wala na akong maisip pa. Pagkatapos ay babasahin ko ito at unti-unting hahanapin ang koneksiyon ng bawat isa hanggang sa makabuo ako ng sariling palagay.

Kung nagawa ko ito sa aking sarili, naisip kong gawin rin ito sa iba. Kaya nagpasiya akong sumulat ng sariling pitak sa isang pahayagan.

Ano kaya ang kahulugan ng panaginip ko kanina?

Marahil ay pinapayuhan ako ng Diyos na maging mapagkumbaba. Narating ko man ang itaas, huwag sana akong maging agresibo o mayabang tulad ng ginawa kong paghahamon ng away sa aking panaginip.

Published by 1B

Filipino, Gen X, only daughter, freelance writer, author, wife, mother, and a good friend.

%d bloggers like this: